Photo by Ewa Pinkonhead on Unsplash
Ang One Child Policy ay
naging kilala dahil sa pag-iimplementa ng bansang Tsina upang makontrol ang
paglaki ng kanilang populasyon noong 1979. Sa unang araw ng 2016, ang
kontrobersyal na isyu na ito ay napawalang bisa na sa ilalalim ng ilang
kondisyon. Ang kaparehong batas din na ito ang namamadyang ipatupad sa
Pilipinas dahil sa patuloy na paglaki ng populasyon nito na kasalukuyang nasa
halos 108 milyon. Ang Pilipinas bilang isang Katolikong bansa ay huwag dapat
ipatupad ang One Child Policy sapagkat ang mga supling ay tinuturing na biyaya.
Patuloy ang paglaki ng
populasyon ngunit hindi solusyon ang One Child Policy. Maraming mga posibleng
sagot sa problemang ito. Isa na rito ang pagbibigay kaalaman sa mga kabataan
ukol sa sex education. Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang mga hindi inaasahang
pagbubuntis. Kung ang pakikipagtalik naman ay hindi mapipigilan, ang gobyerno
ay dapat mamigay ng libreng kontraseptibo. Mas mainam na gawin ang mga ito kaysa
sa sapilitang limitahan ang bilang ng supling ng mag-asawa o kaya naman ay
bawian ng buhay ang isang walang kamuwang-muwang na bata sa sinapupunan.
Disiplina at kaalaman ang posibleng magpabagal ng paglobo ng populasyon at
hindi and batas na ito.
Kapag ang One Child
Policy ay ipinatupad, tatanggalan ng karapatan ang mga magulang na mamili kung
ilang supling ang kanilang imumulat at ganon din sa batang kailanman ay hindi
mararanasang mamuhay sa mundong ibabaw. Kaalinsunod ng batas na ito,
kakailanganin din isabatas ang pagsasagawa ng abosyon na kung saan lubhang
tinututulan ng Simbahang Katoliko. Sa situwasyong ito, ang isang inang muling
nagdalang-tao ay mapipilitang ipalaglag ang bata sa kanyang sinapupunan. Isipin
na lamang ang lumbay na mararamdaman nito, kung gaano kasakit na alisan ng
buhay ay iyong sariling anak. Karapatan dapat ng magulang ang pumili kung ilang
ang gusto niyang anak at Diyos rin lamang ang may siyang karapatang bumawi ng
buhay at hindi ninoman.
Sa paglaganap ng batas na
ito, ang mga anak ay haharap sa iba’t ibang suliranin. Una, ang hindi
pagkakaroroon ng kapatid, pinsan, mga tiyuhin at tiyahin. Hindi mararanasan ng
isang bata na may makalaro sa loob ng kanyang tahanan sapagkat siya ay walang
kapatid na makakasamang lumaki. Karaniwan sa Pilipinas ang pagsasama-sama ng
buong pamilya tuwing may okasyon, ang mga magpipinsan ay sabay-sabay na
naglalaro. Kung ipapatupad ang One Child Policy, matatawag pa bang Pilipinas
ang bansang ito kung wala na ang
tradisyong nakasanayan? Maaari rin lalong maging pangunahing laruan ang
mga gadgets sapagkat wala na silang ibang taong makasalamuha. Isa pa ang
paglaking nakukuha ang gusto sapagkat ibinubuhos sa kanila ang lahat ng
atensiyon at mga kagustuhan nila sapagkat sila ay nag-iisang anak ng kanilang
mga magulang
Ang mga bansang
Alemanya, Hapon, at Timog Korea ay ilan sa mga bansang may mabababang birth
rate at dahil rito inaasahang sa mga susunod na dekada ay magiging suliranin
nila ang kakulangan sa mga manggagawa. Kapag ang One Child Policy ay
ipinatupad, ang parehong suliranin ay mararanasan din sa ating bansa. Tataas
ang bilang ng mga nakatatandang hindi na nagtatrabaho at ang mga taong nasa
“working age” ay magiging salat na magiging dahilan upang maging sagabal sa
paglago ng ekonomiya ng bansa. Isang kaugnay na problema rin dito ang kawalan
ng mag-aaruga sa mga nakatatanda at ang responsibilidad ng mga anak na tustusan
ang pangangailan ng kanilang mga magulang at lolo at lola. Matuturing na
hadlang ang responsibilidad na ito sa isang anak upang matupad ang kanyang mga
minimithi sa buhay.
Ang One Child Policy ay
hindi dapat ipatupad sa Pilipinas. Ang populasyon ay maaaring kontrolin sa
pamamagitan ng sapat na kaalaman at disiplina. Kailanman ay hindi magiging tama
ang pagpatay sa isang batang walang kamuwang-kamuwang dahil lamang sa patuloy
na paglaki ng populasyon. Ika nga sa Bibliya, “huwag kang pumatay.” Ang pagpili
ng bilang ng supling ay dapat maging desisyon at responsibilidad ng mga
magulang. Marami rin ang kaakibat na negatibong kahihinatnan ang batas na ito
tulad ng suliranin ukol sa mga manggagawa, kawalan ng pangsuporta sa mga
nakatatanda, malaking responsibilad na nakaatang sa anak, at iba pa. Ang mga
supling ay matuturing na biyaya at ganoon rin ang populasyon. Dapat lang
matuklasan kung paano magagamit ng husto bilang lakas panggawa ng ating bansa.
Comments