Paalam (Tula para sa Yumaong Ama)


PAALAM

Ni Misaki Mukaijo




Sa huling pagkakataong ika’y masisilayan
Sa harap pa ng parihabang iyong pinaglalagyan
Luhang dumaraos sa aking mukha’y ‘di mapigilan
Hindi inaasahang araw na ito ay darating kailanman

Habang ako ay nakatayo sa iyong harapan
Ating mga alaala ay kay sarap balikan
Tuwing ako’y may kailangan ikaw ang tinatawagan
Sa bawat problema ika’y aking sandigan

Kung isang dasal sa Diyos ako’y gagawaran
Ako’y magsusumamong buhay ika’y muling pagkalooban
Para sa huling beses ay mayakap ang aming haligi ng tahanan
Isa pang pagkakataon upang aking pagmamahal ay mapatunayan

Sa lalaking nilalaman ng aking puso at isipan
Tandaan kailanman ika’y hindi malilimutan
Kay lungkot mang isiping ika’y makikita na lang sa larawan
Kung saan man tutungo, sana’y kapayapaan ay makamtan

Comments